Desisyon ni Pang. Duterte sa martial law extension, malalaman sa susunod na linggo

Image from DF Balita Files
Image from DF Balita Files

MAYNILA, Pilipinas – Sa harap ng patuloy umanong recruitment ng Islamic State (ISIS) sa Mindanao, nakatakdang desisyunan ni Pangulong Rodrigo Duterte ang panukalang pahabain pa ang batas-militar.

Sa ginanap na press briefing ni Presidential Spokesperson Harry Roque nitong Sabado, sinabi nitong hinihintay na lamang ng Pangulo ang rekomendasyon ng mga opisyal ng militar na nakatakdang ibigay sa Linggo.

Maaari na umanong malaman ang desisyun ng Pangulo tungkol sa bagay na ito anumang araw sa susunod na linggo.

“I have had prior consultations with the AFP and the recommendation will be submitted next week,” ani Roque.

Malaki ang posibilidad na pahabain pa ang martial law sa Mindanao dahil suportado ito ng militar na naniniwalang patuloy pa rin ang banta ng ilang teroristang grupo tulad ng Abu Sayyaf Group (ASG) at Bangsamoro Islamic Freedom Fighters (BIFF) sa rehiyon.

Noong Oktubre, idineklara na ng gobyerno ang ‘liberasyon’ ng Marawi City mula sa kamay ng Maute Group matapos ang halos limang buwang madugong bakbakan na nauwi sa pagkamatay ng mahigit 1,000 katao.

Nagdeklara ng 60-day martial law ang Malakanyang noong Mayo 23 na pinahaba ng Kongreso hanggang katapusan ng taon matapos pagbotohan ng mga mambabatas nitong Hulyo.

Nakatakdang mag-recess ang Kongreso sa darating na Disyembre 15 kaya mahalagang malaman kaagad ang plano ng Pangulo kung pahahabain pa ang batas military hanggang sa susunod na taon. – DEFINITLEY FILIPINO

text RONALD AGUSTIN JAYME


Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *