WATCH: Pinoy school, sagot sa mataas na matrikula sa Singapore

Photo credit: ABS-CBN News
Photo credit: ABS-CBN News

Isang overseas Filipino worker ang nakaisip magtayo ng maliit na paaralan sa Singapore upang matugunan ang problema sa napakamahal na matrikula ng mga eskuwelahan doon.

Maingay ang bawat sulok ng Happy Family School of Excellence sa Upper Thomson, Singapore dahil sa mga batang Pinoy na tila hindi nauubusan ng enerhiyang pumasok at mag-aral

Ilang batang Pinoy sa Singapore ang nag-aaral sa eskuwelahang itinayo ng isang OFW.

Ang eskuwelahang ito ay nagsimula sa isang home school na binuo ng accountant na si Ninalyn Cacananta matapos bigong maipasok sa local school ang anak niyang si Gabriel.

Sa Singapore, limitado ang slot sa public school para sa dayuhan dahil prayoridad ang Singaporean at permanent residents.

Ang international school na opsyon naman mula SGD1,000 hanggang SGD2,000 ang tuition kada buwan. Katumbas ito ng mahigit P37,000 hanggang P75,000, bagay na di kayang tustusan ng maraming OFW.

“Pinag-aralan ko how to set up a tutorial here. Nag-create kasi ako ng happy parenting group para at least support group sa mga Filipino parent sinabi ko sa kanila na oh we can do this,” ayon kay Cacananta.

Ang home school na binuo ni Cacananta noong 2015 ay hanggang primary 3 o grade 3 na ang itinuturo.

May 73 students, anim na guro na–ang dalawa ay Singaporean–kumpletong pasilidad at school bus.

Maliban sa science, math, English, music at physical education, nagtuturo rin sila ng Filipino para di makalimutan ng mga bata ang kanilang sariling wika.

Ang tuition doon ay SGD500 kada buwan lang.

Nag-apply na si Cacananta sa Ministry of Education ng Singapore para mabigyan ng certification ang Happy Family School bilang ganap na eskuwelahang magtuturo hanggang ikaanim na baitang.

Inaasikaso na ni Ninalyn Cacananta ang pagpapalawig sa operasyon ng kansyang paaralan.

“The fact na merong opportunity ang mga bata to stay together as one happy family…yung goal kasi ng Happy Family is for them to be together, regardless of the problems, the challenges,” sabi niya.

Ang embahada ng Pilipinas doon pinapaalalayan na raw ang eskwelahan sa Commission on Overseas Filipinos para matugunan ang pangangailan ng mga batang Pinoy doon.

“Kailangan kasi matugunan nila ang mga requirements ng Singaporean government pati ng sa ating gobyerno. Dapat makipag-ugnayan talaga sila para mapag-usapan ng husto ang proseso,” sabi ni Ambassador Antonio Morales.

Kapag naaprubahan, bubuksan na rin ni Cacananta sa ibang lahi sa Singapore ang kanilang eskwelahan para mabigyan ng oportunidad ang mas maraming bata na makapag-aral. – ABS-CBN NEWS.

text SHERRIE ANN TORRES


Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *